Kinilala ni Martin Luther King Jr. ang prinsipyo sa pagkakapantay-pantay sa mga karapatang pulitikal at sibil hanggang sa katarungang panlipunan (social justice) hanggang sa mga karapatang pantao. Siya ang nanguna at namuno sa kilusang nagsusulong sa karapatan ng mga Aprikano-Amerikano sa US at sa buong mundo. Nakilahok din siya sa mga historikal na ebento ng kilusang pangkarapatang-sibil gaya ng “Boykot sa Montgomery Bus” noong 1955 at sa “Martsa sa Washington” noong 1963. Ginamit niya ang kanyang galing sa pagsulat at pagtalumpati na maging instrument upang labanan ang mga kasamaan at kamalian ng mga pinaiiral na patakaran sa US lalo na sa aspeto ng di makatarungang pagtrato sa mga tulad niyang Aprikano-Amerikano at iba pang nabibilang sa minoridad na lahi. Dahil dito kinilala siya bilang pinakamahusay na orador sa kasaysayan ng US.