Ang Ibong Adarna ay isang korido na isinulat noong panahon ng Espanyol na ngayon ay bahagi na ng Panitikan at Mitolohiyang Pilipino . Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, kilala ito sa pamagat na Korrido at Buhay na Pinagdaanan ng Tatlóng Prinsipeng Magkakapatid na anak nang Haring Fernando at nang Reyna Valeriana sa Kahariang Berbanya. May mala-epikong istilo ng pagkakasalaysay ang Ibong Adarna na tumatalakay sa kabayanihan, pag-ibig at kababalaghan. Nakasentro ang kuwento sa Adarna, isang ibon na nagtataglay ng mahiwagang kapangyarihan na nakapagpapagaling ng anumang karamdaman sa sandaling umawit at marinig ang tinig nito.