Munting butil na tumbagang isinabog sa bukirin, Nang tumubo’y tila damong anong inam pagmalasin Mga daho’y makikitid na sa puno’y tila mandin Kumakaway sa amihang kung humihip ay kaylambing!
Sa patak ng mga hamog ng malamig na umaga, Sa sinag ng haring araw na may taglay na pag-asa, Sa halik ng hanging-bukid na lagi nang nagsasaya, Ang bukid ay naging kumot na luntiang anong ganda!
Ang malamig na Nobyembre nang dating ng panahon, Palay natin ay namunga sa tulong ng mga ambon, Nang ang araw ng Disyembre’y sumikat sa mahinahon, Kabukirang dating lunti’y naging kulay ginto noon.
Ang uhay na mapipintog ng palay na tila ginto, Nang humapay sa pilapil at sa linang ay yumuko, Magsasaka’y nagsilabas na may galak bawat puso, At ginapas ang biyayang sa bukid ay tumutubo.
Sa saliw ng mga biro at tawanang masisigla, Ginapas ang ating palay, inani rin ang pag-asa, Ang pag-asang kulay ginto ng bukas na maligaya, Ng bukas na mariwasa ng bayan kong sinisinta.
Question: Ano ang nais ipahiwatig ng may-akda sa mga mambabasa? Ipaliwanag.