Una sa lahat, ang isang Pilipino ay bahagi ng kanyang pamilya. Kahit siya ay doktor, manunulat, siyentipiko, o ano pa man, nananatili siyang ama o anak, pamangkin o apo, sa loob ng kanyang pamilya. Dito ay iba ang kanyang katungkulan at ang pagkakakilala sa kanya. Sa lahat ng oras ay pangunahin sa kanya ang kanyang tungkulin bilang kasapi ng isang pamilya.
Ang pinakaubod ng pamilyang Pilipino ay ang ama, ina at mga anak. Ang ama ang pinakapuno ng pamilya. Siya ang nasusunod at nagpapasya para sa pamilya. Sa kabilang dako ay tungkulin niyang pakainin, bigyan ng matitirhan at papag-aralin ang mga miyembro ng kanyang pamilya. Kaya siya ang nagtatrabaho at kumikita ng pera. Ang ina naman ang bahala sa bahay at sa pag-aalaga ng mga bata. Siya ang humahawak ng pera ng pamilya at pinagkakasya ito sa pangangailangan ng pamilya. Ang mga anak naman ay may responsibilidad rin. Sagutin nila ang mahusay na pag-aaral at ang pagtulong sa bahay.