Sa isang barangay ay may dalawang batang lumaki na palaging magkaaway. Sila ay si Langis at Tubig. Si Langis ay batang matalino ngunit mahirap ang buhay. Dahil dito, siya ay laging binu-bully ng mga kaklase. Isa sa mga ito ay si Tubig. Si Tubig ay isang batang mapang-bully. Lagi niyang inaasar si Langis kasama ang kanyang mga kaibigan. "Langis, gusto mo sumama sa amin? Magbihis ka nang maayos ha, yung pwedeng pambu”, pang-aasar ni Tubig. Nagtawanan ang mga kaibigan ni Tubig. "Ako na naman ang nakita mo, Tubig. Pwede ba, kahit isang araw lang, tantanan ninyo ako,” pasigaw na sabi ni Langis. "Gusto ka lang naman naming isama, ayaw mo ba?", may panunuksong tanong ni Tubig. "Gusto ninyo lang ako isama para may pagtawanan kayo", sagot ni Langis. "Syempre, para lagi kaming masaya”, tumatawang sagot ni Tubig. Hindi na sumagot si Langis. Alam niyang asar-talo siya sa tulad ni Tubig. Kaya iniiwasan na lamang niya ito. Isang araw, sinundan ni Tubig at ng kanyang mga kaibigan si Langis. Nakita nilang pumasok si Langis sa isang barung-barong. Nakita nila ang ina nito na kinausap si Langis. "Anak, wala tayong pagkain sa araw na ito", malungkot na sabi ng ina ni Langis. "Hindi ko din alam kung may maibibigay ako na baon sa iyo bukas", dugtong nito. Nakita nilang tumulo ang luha ni Langis. Sa narinig ni Tubig at ng kaniyang mga kaibigan, napahinto sila at marahang umalis. Habang sila ay pauwi, sinabi ni Tubig sa kaniyang mga kaibigan na kaawa- awa naman pala si Langis. "Mabuti nakakapasok pa siya sa eskwela kahit walang baon. Kaya pala lagi siyang tahimik", dagdag ni Tubig. Kinabukasan, inabangan nila si Langis hindi para asarin kundi para bigyan ng damit at pagkain. Nilapitan nila si Langis ngunit ito ay umiwas. Inalok nila ng pagkain si Langis, pero muli itong umiwas. Sinubukan ni Tubig na maging mabait at makipaglapit kay Langis ngunit sa tuwing lumalapit siya kay Langis ay umiiwas ito. Hindi sila nabigyan pa ng pagkakataon na magkasama dahil sa tuwing lumalapit si Tubig ay lumalayo si Langis.
Sagutin ang mga tanong: 1. Sino ang dalawang pangunahing tauhan sa kwento?
2. Ano ang kanilang mga katangian?
3. Bakit nagbago ang pakikitungo ni Tubig kay Langis?
4. May kilala ka bang kapareho ni Tubig at Langis? Nagbago ba ang kanilang pakikitungo sa isa't isa?
5. Sa iyong palagay, bakit hindi nakipaglapit si Langis kay Tubig?