Ang Binyag ay ang sakramento ng muling pagkabuhay, at ito ang saligan ng buong buhay Kristiyano natin. Sa pamamagitan ng masagisag na paghuhugas ng tubig at ng paggamit ng tamang ritwal ("Binibinyagan kita sa ngalan ng Ama, at ng Anak at ng Espiritu Santo"), ang bininyagan ay nalilinis sa kanyang kasalanan - kapwa orihinal o manang kasalanan, at mga kasalanang personal - at pinag-iisa kay Kristo.
Si Hesus na rin ang nagsabing kailangan ang Binyag upang maligtas. Sa Ebanghelyo ni Marcos 16:16, sinabi niya: "Ang sinumang maniwala rito at tanggapin ang binyag ay maliligtas". Sa Ebanghelyo ni Mateo 28:19, sinabi naman niya: "Binyagan sila sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo."