Salamat, Ama ko, sa mga nagdaan!
Pinagtibay akong tila sa kawayan,
Alin mang unos at bagyong nakalaan,
Ako’y lumiwanag, walang kadiliman!
Patawad naman po, O, Dakilang Bathala,
Sa imbay ng aking pagiging masama,
Aking karupukan, sa tukso’y mahina,
Pinagsisisihan aking naging sala!
Naninikluhod, sa iyo’y nananangis
Tuloy mo lang sana, iyong paghuhugis;
Patawad sa lahat ng aking mga dungis
Patawad sa aking pagiging malihis!
Ang kariktan mo’t iyong luwalhati,
Aking iningatan sa libot ng dumi,
Pagyayamanin ko iyong mga buti,
Ako, pagkat tao, iyong pag-aari!
Daing ko rin naman sa iyong paanan,
Pagtibayin ang aking mga kahinaan,
Bigyan mo ng sapat na diwa’t katatagan
At likas na ipunla mga kabutihan!
Papasakop ako sa iyong mga utos,
Magiging matatag sa lahat ng ulos
Aking ilalagay sa puso ko’t kilos
Ako’y anak mong sa aral ay lipos!
Sa araw at gabi’y magpupuri sa iyo
Walang hangganan mo’y dadakilain ko,
Sa inog ng mundo, sa buhay kong ito
Ikaw lamang Ama! Hindi ang demonyo.
Hanggang dito na muna ang aking pag-usal,
Salamat na muli sa aking pag-iral,
Idinadalangin, ipinagdarasal,
Sa pangalan ng anak mo: si Hesus na mahal!