Ang panahon ng pagbibinata at pagdadalaga ay kung saan maraming pagbabagong nagaganap sa katawan na nagdudulot ng pagbabago sa pisikal na pangangatawan. Ito ay nagdudulot ng pag-iiba ng takbo ng pag-iisip ng mga dumadaan sa yugtong ito. Ang pagtaas ng sex hormones halimbawa ay dahilan upang magbago ang hubog ng katawan ng mga nagbibinata at nagdadalaga. Bunga din nito ang pagkakaroon ng hilig tulad sa ilang bagay gaya ng pakikipagrelasyon at pakikisalamuha sa kapwa. Ang pagbabago sa pakikisalamuha sa iba o social life ay maaring magbigay ng positibo o negatibong epekto sa buhay ng nasa yugtong ito. Ang mga ito ay posibleng maging sanhi ng pagkalito nila sa kanilang sarili, paggawa ng mga desisyon, pagtingin sa kapwa, paniniwala, at pagtrato sa pamilya.