sanaysay tungkol sa pagtaas ng presyo ng baboy​

Sagot :

Answer:

Marami ang nagalit sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong pagkain, laluna ng karneng baboy, sa Luzon mula pa noong Disyembre 2020. Sa pinakahuling ulat ng Department of Agriculture (DA), tinatayang pumalo na sa ₱380 hanggang ₱420 kada kilo ang presyo ng liempo sa Metro Manila, habang ₱320 hanggang ₱380 naman ang sa kasim. Malayung-malayo ito sa itinakdang suggested retail price ng DA na ₱290 at ₱260 para sa naturang mga produkto.

Pinangangambahang papalo sa ₱400 ang abereyds na presyo ng karneng baboy sa darating na mga linggo dahil sa nakaambang pagtigil ng pagpapadala ng suplay ng baboy sa Luzon mula Visayas. Halos katumbas na ito ng arawang sahod ng isang manggagawa.

Malaki ang epekto nito sa bayan dahil ito ang pangunahing karne na kinokonsumo ng mga Pilipino. Sa abereyds, tinatayang kumokonsumo ang kada Pilipino ng 15.6 kilo ng karneng baboy bawat taon, mas mataas sa pandaigdigang abereyds na 14.2 kilo. Samantala, kumokonsumo naman ang bawat Pilipino ng 12.8 kilo ng karneng manok, at 3.1 kilo ng karneng baka.

Dahil sa napakataas na presyo ng karneng baboy, maraming Pilipino ang natutulak ngayon na kumonsumo na lamang ng ibang produktong karne. Pangunahing itinuturong dahilan sa pagtaas ng presyo ang pagbagsak ng suplay ng baboy dulot ng pagkalat ng pandemyang African Swine Fever (ASF) sa bansa. Ang ASF ay isang bayrus na nakahahawa sa mga baboy. Wala pa itong bakuna. Lahat ng baboy na nahahawa nito ay namamatay. Para pigilan ang pagkalat, pinapatay hindi lamang ang mga baboy na nahawa kundi pati ang mga kasama nito sa babuyan o bakuran. Walang epekto sa tao ang ASF.

Noon pang maagang bahagi ng 2020 napag-alaman ng rehimen na babagsak ang produksyon ng karneng baboy nang minimum na 10%. Sa kabila nito, walang kagyat na programa ang Department of Agriculture (DA) para apulain ang pandemya at proteksyunan ang lokal na mga prodyuser. Wala rin itong inilaang sapat na pondo para sa mga apektadong magsasaka, laluna sa maliitang mga magsasaka na nag-aalaga ng mga baboy sa kani-kanilang mga bakuran.

Matapos ang dalawang taong pananalasa ng bayrus, ngayon pa lamang nagpatupad ang DA ng programa para sa pagpoprodyus ng mga test kit para sa ASF. Aabot sa ₱10 milyon ang inilaan para sa produksyon ng mga ito na nagkakahalaga ng ₱45 kada isa. Ngayon pa lamang din ito naglaan ng kakarampot na ₱400 milyong pondo para sa muling pagpaparami ng mga baboy.

Sa ngayon, tinatayang mahigit 431,000 baboy na ang pinatay sa Pilipinas mula nang kumalat ang bayrus noong 2019. Pinakaapektado ang mga nag-aalaga ng baboy sa Luzon, kung saan nasa 4 hanggang 5 milyong baboy (53%-67% ng inaalagaan) ang hindi na napakinabangan. Sa nakaraang mga buwan, nasa 200,000 baboy na ang dinala sa Luzon mula sa Visayas (Cebu) at Mindanao (Gen. Santos City) para punan ang kakulangan ng suplay doon.

Sa halip na ibangon ang lokal na produksyon, inianunsyo ng DA noong Enero 8 ang plano ng rehimen na ipagpatuloy ang ganitong kalakaran ng paglilipat ng suplay ng karne tungong Luzon. Hindi nito mareresolba ang kakulangan sa suplay at posibleng magbunsod pa ng pagtaas ng presyo sa mga eryang pinagkukunan ng malakihang bolyum.

Mas masaklap pa, ginagamit ng ahensya ang kakulangan ng suplay para itodo ang importasyon hindi lamang ng karneng baboy, kundi pati ng karneng manok at baka. Noong nakaraang taon, nag-angkat ang bansa ng 895 milyong kilong karne, kalakhan (45%) ay karneng manok. Kumpara sa 2019, tumaas nang 18% ang bolyum ng inangkat na manok sa 2020. Tumaas din ang sa karneng baka (45%) at karneng kalabaw (10%). Kalakhan ng imported na karne ay ginagamit sa pagprodyus ng mga pinrosesong produktong karne gaya ng delata, hotdog, corned beef at iba pa na tumaas ang demand sa panahon ng pandemya. Pinakamalaking bahagi ng mga angkat ay mula sa US.

Tulad sa nakaraan, dagdag na importasyon ang sagot ng DA sa kakulangan ng suplay ng karneng baboy. Balak nitong triplehin ang iaangkat na karneng baboy sa 2021, sa kabila nang napakamahal na presyo nito sa pandaigdigang pamilihan.

Samantala, nagbabala na rin ang mga mangingisda at mga negosyante sa pagmamanukan ng posibilidad na pagtaas ng presyo ng kanilang mga produkto dulot ng pagbaling ngayon ng mga konsyumer sa isda at karneng manok.