sino ang may akda ng ibong adarna?

Sagot :

       Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin matukoy kung sino talaga ang sumulat ng koridong Ibong Adarna. Ayon kay Pura Santillan-Castrence, ito ay sa dahilang ang kasaysayan ng akdang ito ay maaaring hinango lamang sa kuwentong-bayan mula sa mga bansa sa Europa tulad ng Romania, Denmark, Austria, Alemanya, at Finland. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming kritiko ang nagsasabing ang Ibong Adarna ay hindi ganap na maituturing na bahagi ng panitikang Pilipino sa dahilang hiram lamang sa ibang bansa ang kasaysayan nito. Kung uugatin ang kasaysayan, ang tulang romansa ay nakilala sa Europa noong panahong MedievalMiddle Ages. Tinatayang noong 1610, mula sa bansang Mexico, ito ay nakarating sa Pilipinas na ginamit namang instrumento ng mga Espanyol upang mahikayat ang mga katutubo na yakapin ang relihiyong Katolisismo.
       Sa maraming mga koridong nalimbag at naisulat sa Pilipinas, ang Ibong Adarna ang higit na tumanyag sapagkat bukod sa ang mga sipi nito ay pinagbibili sa mga perya na karaniwang isinasagawa tuwing kapistahan ng bayan-bayan, ito rin ay itinatanghal sa mga entablado na tulad ng komedya o moro-moro.
       Dahil na rin sa pasalin-saling pagsipi, ang mga sulat-kamay at maging ang mga nakalimbag na kopya ng Ibong Adarna ay nagkaroon ng pagkakaiba-iba sa gamit at baybay ng mga salita. Noong 1949, sa pamamagitan ng matiyaga at masusing pag-aaral ni Marcelo P. Garcia ng iba't ibang sipi ng Ibong Adarna ay isinaayos niya ang pagkakasulat ng kabuoan ng akda partikular ang mga sukat at tugma ng bawat saknong. Sa kasalukuyan ang kanyang isinaayos na sipi ang karaniwang ginagamit sa mga paaralan at palimbagan.